Thursday, March 30, 2017

Mahal naming Pangulong Rodrigo R. Duterte, kami'y lubos na nababahala sa mga patayang nangyayari sa ating bansa, ukol sa usaping ilegal na droga. Amin naman pong nababatid ang nais n'yong mangyari upang mabawasan ang mga krimen na nangyayari sa ating bansa. Walang sinuman sa atin ang nagnanais na mangyari ang mga ito. Maging ako po ay nais kong mawala ang mga taong gumagawa ng iba't ibang krimen na nagpapahirap sa ating bayan. Ngunit hindi sa paraan ng pagkitil ng kanilang mga buhay na kung tawagin ay extra judicial killings. Naiintindihan ko po na inyo lamang itong ginagawa para sa ating bayan, ngunit hindi lang ang may mga sala ang naaapektuhan. Maraming pamilya ang lubos na nahihirapan sa tuwing may napapatay sa kanilang nasasakupan, dahil sa maling paraan ng pagkawala ng kanilang mga buhay. Hindi lingid sa aking kaalaman na marami ng buhay ang nakitil dahil sa extra judicial killing. Ang mga ito ay sangkot umano sa talamak na ilegal na droga. Marami sa kanila ang bigla na lang bumubulagta sa harapan ng mga tao, ngunit walang malinaw na mukha ang pumapatay sa mga ito. Marami man ang saksi sa kanilang paglisan ngunit ni isa wala man lang nahuli kung sino ang pumatay. Alam kong hindi ang extra judicial killing ang magiging solusyon sa lahat ng krime sa ating bansa. Maraming buhay pa ang maaaring mawala kung patuloy itong ipalalaganap sa ating bansa. Paano sila magbabago kung bawat segundo ng kanilang buhay ay may taning na ng mga balang sasagupa sa kanila? Marami tayong mga selda na pwedeng magsisi sila, bawiin ang kanilang mga ari-arian at gastusin sa pagpapagawa ng mga kulungan nila. Karamihan sa mga namatay ay hindi ganu'n kayaman, ngunit bakit ang mga leader ng mga napatay ay hindi mahagilap man lang. Hindi ba't mas maganda sana na mas mahuli ang mga nakatataas na nagpapalakad sa mga ito. Tama na,grabe na ang mga buhay na nasawi, may pag-asa pa silang magbago at hindi ang extra judicial killing ang solusyon nito. Sana po'y inyong mabatid ang aming mga daing ukol sa nangyayaring extra judicial killing Mahal naming Pangulong Rodrigo R. Duterte. 

                                                        
                                                                                                                      Lubos na gumagalang 
                                                                                                                      Maryl V. Jalbuena

No comments:

Post a Comment