Napakainit ng umagang iyon para sa mga taong naroroon. Halos mapuno ang event center ng Pacific Mall dahil sa mga estudyante ng Senior High mula sa pamantasan ng Calayan Educational Foundation Inc. Naroon sila upang maging bahagi ng Human Rights Celebration o Karapatang pantao sa Tagalog. Ang Human Rights Celebration ay isinagawa ng nakaraang linggo araw ng sabado Disyembre 10, 2016, ito ay isinagawa ng buong mundo.
Ang nasabing aktibidad ay binubuo ng iba't ibang klase ng Tao, may doktor, pintor, guro, mag-aaral, at iba pa. Ang unang bahagi ng aktibidad na ito ay pagpipinta. Ang nais magpapinta ay uupo lang sa unahan at pipintahan na ito sa kanilang pisngi. Habang isinasagawa ito ay may grupo ng mga pintor na naglatag ng telang puti sa gilid at pininturahan ng kulay pula.
Isa sa mga nagsalita ay si Maria Victoria Lavado na kasapi sa nasabing aktibidad. Ipinaliwanag n'ya ang tungkol sa pinagdiriwang ng araw na iyon, at 'yun nga ang Human Rights Celebration na pinagdiriwang sa buong mundo. Naipahayag n'ya rin ang kanyang mga saloobin na hindi dapat ipagsawalang bahala ang nagaganap sa ating kasalukuyang lipunan. Bilang kasapi nito ay dapat tayong makialam at makibahagi sa mga nagaganap.
Habang siya'y nagpapahayag ng kanyang saloobin ay marami sa mga estudyante ang tila nababagot na,may nagkukwentuhan, naglalaro ng rubics, at libang na libang sa pag si-cellphone. Habang ganito ang ginagawa ng mga estudyante ay patuloy pa rin ang pagpipinta sa gilid ng event center. May ilang maikling videos na ipinalabas at napapanood rito ang pagmamalupit ng isang lalaki sa nakatali sa upuan na isa pang lalaki habang nilulunod gamit ang hose na may tubig na tuloy tuloy sa paglabas into.
Ipinakita sa videong ito ang paglabag ng lalaki sa karapatang pantao dahil sa pananakit n'ya rito. Isa pa sa nagsalita sa unahan ay ang kasapi ng organisasyong EU Bahaghari na ipinaglalaban ang pagkapantay-pantay ng mga LGBT o Lesbian, Gay, Bisexual, at Transgender.Nais niyang iparating na wala dapat na maaggrabyado dahil sa kasarian. Dapat ay pantay-pantay ang tingin ng bawat isa ano ka man o sino ka man.
Pagkatapos nitong magsalita ay binigyan ang mga estudyante ng isang oras upang kumain ng kanilang tanghalian, at babalik ang mga ito nang ala una upang maipagpatuloy ang nasimulan. Pagkatapos ng mga ito ay agad na bumalik sa kani-kanilang mga pwesto at eksaktong may isang film na ipinalabas kaya't naging interesado ang mga estudyante. Tutok na tutok ang mga mata ng mga ito sa kanilang pinapanood, ang palabas na ito ay tungkol sa isang babae na ang pangalan ay Marilou.
Isang babaeng matapang na hinarap ang buhay at ang mga pagsubok na dumarating. Barbero ang kanyang asawa, at ito ang kanilang ikinabubuhay. Sa una pa lang ng kwento ay wala na itong anak, dahil namatay ito sa sakit. Isa sa mga suki ng kanyang asawa ay ang Mayor ng kanilang lugar. Isang araw ay nakita n'ya ang buhok ng kanyang asawa na humahaba na ito, dahil sa papunta ang kanyang asawa sa bahay ni Mayor ay hindi dapat ganun ang buhok niya. Kaya't ginupitan ito ni Marilou. Nang matapos ito ay nagustuhan naman ng asawa ngunit tinuruan n'ya pa ito upang mas lalong maging bihasa.
Sinunod nga ito ni Marilou. Upang mahasa ang kanyang galing ay nagpraktis ito sa gilid ng kanilang kama. Pag uwi ng kanyang asawa ay lasing na lasing ito kaya't pinunasan n'ya ito ng basang towel at may nakita itong bakat ng lipstick ng babae at naiisip niya na nakipagsiping ito sa iba. Ngunit kinabukasan ay namatay ito dahil sa bangungot. Pinagusapan si Marilou sa nangyari at sinasabing malas s'ya dahil una ay namatayan ito ng anak at sumunod naman ay ang kanyang asawa.
Ngunit kahit ganito ang nangyari ay patuloy pa rin si Marilou sa kanyang buhay. S'ya ang naging barbero sa kanilang barangay at isa na roon ay si Mayor, dahil sa kanyang asawa na naging tagagupit ni Mayor noong nabubuhay pa ito, ngunit nang nawala ito ay si Marilou na ang pumalit. Maging ang asawa ni Mayor ay naging kaibigan nito kaya't kapag sinasaktan ito ni Mayor ay sa kanya ito pumupunta upang may makausap.
Si Marilou ay may inaanak na kasapi ng NPA at sa barber shop ang mga ito nagpupulong-pulong upang hindi mapaghinalaan. Dumaraan ang mga araw at patuloy ang pananakit ni Mayor sa kanyang asawa, at isang araw ay pumunta ang asawa ni Mayor kay Marilou at pumunta sila sa mabato at mataas na lugar na paboritong puntahan ng mga ito. Agad itong nagkwento sa mga nangyari sa kanya at kalaunan ay hinagkan nito si Marilou sa kanyang mga labi at agad na kinitil ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagtalon.
Nabuo ang galit sa puso ni Marilou dahil sa pagpanaw ng kanyang itinuturing na kaibigan. Kaya't isang araw ay nagpagupit si Mayor at nang matapos na itong gupitan ay sinaksak ni Marilou ang gunting sa leeg ni Mayor na agad n'ya namang ikinamatay. Dahil sa pagkamatay nito ay napaghiganti na rin nito ang kanyang kaibigan at si Father na pinatay dahil sa pagbibigay tulong sa mga NPA.
Maraming balita ang nakarating sa mga kaibigan ni Marilou at iba-iba, mayroong nagsabi na nahuli ito ng mga pulis, pinarusahan sinaktan, at pinahirapan hanggang sa mamatay. At may nagsabi naman na si Marilou ay sumali sa isang grupo ng NPA at nagpalit ng pangalan bilang Luz na kung saan ay nakuha n'ya sa kanyang kaibigan na asawa ni Mayor na gustong maging pangalan ng kanyang magiging anak. Natapos ang palabas na hindi maliwanag ang nangyari kay Marilou o Luz.
Ngunit matatapos na rin ang pagpipinta at nakapinta roon ang mukha ni dating Pangulong Ferdinand Marcos na hinahalikan ni Pangulong Duterte, at mga magsasaka na inaangkin ang mga lupang sakahan. Tuluyan na ngang natapos ito at magkakaroon na ng Candle Lighting kasama ang mga namumuno, mga pintor, at iilang estudyante.
Naglakbay ang mga ito tungo sa over pass malapit sa paaralang Quezon National High School, at isinabit nito ang pininta ng mga pintor, at nagsalita ang isa sa mga kasapi ng Bahaghari tungkol sa kanilang mga hinaing at ipinaglalaban.